Saturday, December 31, 2011

ONLY IN THE PHILIPPINES

Only in the Philippines! Ang ano ba yon? Wala lang. Basta. Isa pa, e ano ngayon kung "only in the Philippines"? Magbabago ba ang mundo kung hindi "only in the Philippines"?

Mga for example:

1. People Power. Tingnan ninyo, sa ibang bansa ang people power ay medyo maligalig. May mapayapa tulad ng sa atin. Ngunit meron din na hindi. Sa Pilipinas, hindi malaman noon ng mga dayuhan kung seryoso tayo o hindi. Aba saan ka nga ba makakakita ng people power na may mga nagtitinda ng mga kakanin, palamig, stickers, T-shirts, at lobo! Naku talaga nga naman. Tapos pag may nagbarilan, imbis na lumayo e pilit pa na lalapit at tawanang nakikiusisero. Kung hindi mo gamay ang ugali ng Pilipino ay maprapraning ka kung dayuhan ka. At mind you, sa Pilipinas lang kung saan ang mga napatalsik sa kinalalagyan ay nakakabalik sa pamamagitan ng kani kaniyang pamilya.

2. Traffic, Jaywalking at Lagay. Huwag na tayong lumayo pa. Araw- araw tayo ay dismayadong saksi sa mga nagwawalang driver at mga wari'y mga magpapakamatay na tumatawid sa mga kalsada. May batas pero ang pagpaptupad nito ay lumilitaw na guni-guni lamang. Ito ay mitsa rin ng corruption.

3. Patay, Lamay at Libing. Pag mayroong namatay, sa lamayan ay mayroong pasugal, pabingo, kainan na buffet, halakhakan, bottomless coffee, tetrapak juices, biscuits at iba pang kakanin. Yon nga lang halos lahat ay nasa labas ng talagang lamay habang ang bangkay ay nasa loob o parang display na lamang sa pagtitipon. At eto pa, pag picture taking na, naka smile pa, natakpan pa ang ataul. Kulang na lang may wacky shots. Pagdating naman sa pamahiin, naku isang katutak ang dapat sundin dahil wala namang mawawala. Pagalingan ng nalalaman as if concerned na para wala ng susunod na tipong episode o sequel ng "twilight". At huwag ka, sa libing, ang lalakas ng bulungan ng mga mapanghusga. Matapos ang libing, looking forward na mga ani mo'y concerned sa "siyaman", 40 days at lungkasan.

At marami pang iba. To be continued . . .
Sent from my BlackBerry®

Sunday, December 25, 2011

MALIGAYANG PASKO !

Simula noong ika-16 ng Disyembre 2011, umigting ang paghahanda upang magbigay daan sa pagdating ng ating Panginoon. Sa loob ng siyam na araw, ating natunghayan ang mga kaganapan kung saa'y marami ang umaasa na sa pagsapit ng Pasko, ang mga biyaya ay bubuhos ng lubusan at ang araw na pinakahihintay ay magiging masaya at masagana.

Ito na nga, Pasko na! Salamat sa Diyos at kaniyang ipinahintulot na ialay ang kaniyang anak na si Hesus upang maging tagapagligtas ng sambayanan. At nangyari ang mangyayari, si Hesus ang humango sa kinalulumuglukan ng sangkatauhan. Kung kaya naman sa tuwinang sumasapit ang araw ng Pasko, tulad ngayon, ating ipinagdiriwang ang pagdating ng ating Panginoon, buhay na buhay, totoong totoo. Ano man ang ating mga katayuan, ano man ang hinaharap natin sa kasalukuyan, tayo ay nararapat lamang na punong punong ng pag-asa.

Tayo'y panalangin lahat, at magkaisa na hilingin na nawa'y tayo at ang ating mga kapwa ay matamo ang mga hinahangad sa buhay, maging ligtas sa ano mang kapamahakan o sakuna, at mas higit na maging kalugud-lugod sa Panginoon, sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa Kanya.

Maligayang Pasko !

Saturday, December 24, 2011

PAGPAPATAWAD

Lungsod Quezon, 15 Disyembre 2011 - Malaking bagay ang magpatawad ng kapwa. Wika nga, kung ang Diyos ay nakakapagpatawad, tao pa kaya?

Sa buhay ng tao, maraming pagsubok ang pinagdadaanan ng bawat isa. Kinalaunan, mayroong pagkakataon na nakakasakit ang iyong kapwa sa iyo. Sa ganitong pangyayari, ikaw ay nagagalit o nakakapag-isip ng masama upang gumanti. Ano ang mapapala mo sa ganito? Wala. Sigurado ay hinagpis at pagsisisi ang haharapin mo.

Upang maging maginhawa ang puso at kalooban, matutong maging mapagpatawad na tuwina. Sa pamamaraang makatuwiran at makatarungan.

PAGHAHANDA at KAHANDAAN

Lungsod Quezon, 14 Disyembre 2011 - Malaki ang kaibahan ng "paghahanda" sa "kahandaan". Ang unang kataga ay hindi maituturing na kahandaan sa ano mang maaari o inaasahang mangyayari. Ang kahandaan ay nangunguhulugan na nagkaroon ng paghahanda. Ngunit maituturing ba na "handa" ka kung ikaw at naghanda?

Sunday, December 18, 2011

KRISIS

Lungsod Quezon, 13 Disyembre 2011 - Mayroong ipinapangamba ang mga mangilan-ngilang tanyag sa pagaaral ng konstitusyon - at ito ay ang tinatawag nilang "constitutional crisis". Ano ba ang kahulugan ng krisis na ito?

Sa bansang tulad natin, ang sistema ng pamahalaan ay "republican". Sistema na kung saan ang taong bayan ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng pamahalaan. Ang ehekutibo ang nagpapatupad ng batas. Ang kongreso at senado ang gumagawa ng batas. Ang korte suprema ang nagpapakahulugan sa batas at tagapaghusga ng mga karapatan.

Inaasahan na ang mga sangay na ito ay maggagalangan sa isat isa at mayroong pagkakaisa na susundin ang Saligang Batas.
Nagkakaroon ng krisis sa sandaling ang isang sangay ay naging pasaway.

Hindi maganda sa bansa pag nagkaroon ng krisis. Ito ay dahil magdudulot ito ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan na maaaring maging sanhi ng kaguluhan o kawalan ng respeto sa batas at mga institusyon.

Sa mga ganitong pagkakataon ang taong bayan ay dapat magpahayag ng katapatan sa pamahalaan na pinamumunuan ng ating mahal na Pangulo. Iparating din naman natin sa kanya ang ating saloobin sa mga nangyayari sa pamamagitan ng ating mga kinatawan sa senado at kongreso, at ibang pamamaraan na di gumagamit ng dahas.

Ito ang demokrasya. Itaguyod natin.
Sent from my BlackBerry® 09328264529

Saturday, December 17, 2011

ANG "AMO"

Lungsod Quezon, 12 Disyembre 2011 - Kulang na lang ay sambahin at kitang-kita natin kung paano ibigay ng tao ang kanyang sarili sa pinaglilingkuran niyang amo. Ang katapatang ito ay kapalit ang pag-asa na bubuti ang kanyang buhay at ng kaniyang pamilya. Inaasahan din na sa panahon ng pangangailangan o kagipitan, siya ay tutulungan at hindi iiwanan. Sa bahagi naman ng "amo", para sa kanya ay dapat lamang siya ay paglingkuran o di kaya kaniyang sasamantalahin ang pagkakataon upang paasahin ang naglilingkod sa kanya.

Mayroon naman na mga taong umaasa o pinaasa sa mga adhikain na di umano'y ipapatupad o isusulong ng "amo", ngunit sa kalaunan na matapos makuha ng naturingan na amo ang kaniyang gusto, walang utang na loob na kinakalimutan ang mga sakripisyo at malasakit ng nagsipaglingkod sa nasabing "amo".

Ang mga "amo" na ganyan ay salot sa buhay at lipunan. Makasarili at mapagsamantala. Sa madaling salita, tuso at masamang tao. Ipapahamak ka lang niyan.

Kung iyan ay pulitiko, o nagnanasa pa lamang na magpayaman, mayroon kang obligasyon na ibulgar siya.

Sent from my BlackBerry® 09328264529

KARAPATANG PANTAO

Lungsod Quezon, 11 Disyembre 2011 - Ang bawat tao, una sa lahat, ay mayroong karapatang mabuhay at masaya. Ano man ang katayuan niya sa lipunan at saan man siya naroon. Ang mga ito ay hindi maaaring ipagkait maliban na lamang kung ipinagutos ng kinauukulan alinsunod sa batas. Ang ibang mga karapatan ay umaayon sa mga tuntuning ito. Kaakibat nito ay ang obligasyon na igalang din ang mga karapatan ng ibang tao.
Sent from my BlackBerry® 09328264529

ANG PILIPINO AY MAKA-BAYANIHAN

Lungsod Quezon, 10 Disyembre 2011 - Hindi mahuhuli ang mga Pilipino pagdating sa pakikipagtulungan. Likas na mabait at maawain. Marunong makisama at mapagpatawad. Handang ibahagi ang talino at lakas. Kagalang-galang at gumagalang. Mapag-kumbaba ngunit hindi tanga. May dating ngunit hindi mayabang. May utak ngunit hindi tarantado. Ikaw? Pilipino ka ba?
Sent from my BlackBerry® 09328264529

ANG PILIPINO AY MAY DANGAL

Lungsod Pasig, 9 Disyembre 2011 - Ang pangalan ay inaalagaan at iniingatan ng bawat isa, bawat pamilya at bawat angkan. Kung mayroon man na iniiwang pamana na hindi matutumbasan ng salapi, ito ay ang malinis na pangalan. Dahil dito ang mga Pilipino ay nagpapahalaga sa kanyang dangal. Hindi niya nais na mawala sa mundong na ang pangalan niya'y mayroong dungis.
Sent from my BlackBerry® 09328264529

Monday, December 12, 2011

ANG PILIPINO AY SUMUSUNOD SA BATAS AT ITINATAGUYOD ANG PAMAHALAAN !

Lungsod Quezon, 8 Disyembre 2011 - Pagsunod sa Batas at Pagtaguyod sa Pamahalaan. Tayo ay isang republika na kung saan ang kapangyarihan ay nagmumula sa tao. Ang kapangyarihang ito ay ginagamit sa pagpapalakad ng pamahalaan, pagsasagawa, pagpapatupad at pagpapakahulugan ng batas. Ang mga halal ng bayan, at ang mga itinalaga sa katungkulin ayon sa itinatadhana ng batas ang siyang nagpapatupad at gumaganap sa mga gawain ng pamahalaan, kongreso at hudikatura. Sa bahagi naman natin, bilang mga mamamayan, kailangan tayo ay sumunod sa mga batas na ipinaiiral at ating walang patid na itaguyod ang ating pamahalaan. Sumunod sa batas. Magbayad ng buwis. Tumulong sa pamahalaan. Ipahayag ang nararapat at itakwil ang mali

ANG PILIPINO AY TAPAT SA BAYAN AT WATAWAT !

Lungsod Quezon, 7 Disyembre 2011 - Katapatan sa Bayan at Watawat. Ibinuwis ng ating mga ninuno ang kanilang buhay upang makamit natin bilang mga Pilipino ang kasarinlan. Bilang mga Pilipino, ang ating lahi ay makasaysayan at siksik sa mga katangiang maipagmamalaki. Matapang, masipag, matalino, at mayroong paninindigan. Dapat pagyamanin ang mga minana natin sa ating mga bayani, at gawing matitibay na haligi ang mga ito sa tuloy-tuloy na pagbubuo ng dakilang bansa. Maging tapat sa ating watawat, at isaisip ang mga kinakatawan nito, bilang paalala na tayo rin, katulad n gating mga bayani, ay may mga tungkulin dapat gampanan bilang mga mamamayan.

ANG PILIPINO AY MAKA-PAMILYA !

Lungsod Quezon, 6 Disyembra 2011 - Pagmamahal sa Pamilya. Ang pamilya ang itinuturing na pinakamahalagang haligi ng ating lipunan. Dahil sa pamilya at mga hanay ng mga pamilya, ang isang bansa ay nabubuo taglay ang lakas ng pagkakaisa, pagmamahalan, pagkalinga sa isa't isa at pagkakaunawaan. Mula sa mga magulang, nanggagaling ang diwa ng pamilya, at mula sa mga anak, nanggagaling ang buhay ng pamilya.

 

"Ipininagdiriwang ko ang aking kaarawan ngayong araw na ito dahil sa pagmamahal ng aking pamilya – mula sa aking pinakamamahal at natatanging asawa at mula sa aming minamahal na mga anak. Sila ang susi at lakas ko. Dahil sa kanila, ang aking buhay ay makabuluhan. Kami ay magkakasama sa paglalakbay ng buhay. Nagtutulungan. Tapat sa isa't isa. Nagmamahalan. Nagpapakatatag ang bawat isa upang ang pamilya ay higit na lumakas at magampanan ang iniatang na tungkulin ng Panginoon sa isa't isa ng buong puso. Salamat sa aking pinakamamahal at tapat na kabiyak, at salamat sa aming mga anak. Katumbas ay ang aking pagmamahal at katapatan, noon, ngayon at magpakailanman. Salamat sa Panginoon, sa ipinagkaloob niyang pamilya sa akin."  - ang lumikha ng blogspot na ito

ANG PILIPINO AY MAKA-DIYOS !

Lungsod Quezon, 5 Disyembre 2011 - Pananalampalataya sa Panginon. Ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos, Ama at Hari ng lahat, tanging makapangyarihan at lubos na nagmamahal sa sansinukob. Siya ang Una at ang uli. Bilang mga tao lamang, tayo ay kailangang manampalayata sa Kanya, at panatiliin ang ating mga puso, isipan, at kalooban na nagmamahal at nananalig sa Panginoong Diyos. Ugaliin ang pagdarasal sa bawat sandali, at gawing makabuluhan at kalugod-lugod sa Diyos ang ating bawat kilos, pananalita, pagiisip at diwa.

Saturday, December 10, 2011

PANAHON NG PAGDATING

Lungsod Quezon, 4 Disyembre 2011 – Tayo ay nasa panahon na ng “pagdating ng ating Panginoon”. Ginugunita natin ang panahon, higit na 2000 taong nang nakakalipas, at kung kailan, ang mundo’y nasasakupan ng mga pagano. Ganoon pa man, lumaganap na ang mga pahayag na darating na ang Panginoon kung kaya’t maraming umaasa at nagkaroon ng pagasa. Bakit? Kasi nais nila na magkaroon ng pagbabago sa mundo. Nais nila na maging maginhawa ang kanilang pamumuhay. Nais nila na magkaroon ng buhay na matiwasay. Sa mga inaasam-asam na mga iyan, problema ba yan?  

AWITIN

Lungsod Quezon, 3 Disyembre 2011 – Awitin : Ang sabi ng iba, tama si GMA, ang sabi naman nila, ang tama’y si PNoy. Ang sabi ko nama’y ma-PNoy man yan o ma-GMA man yan, Problema BaYan?

NAKAKAHILONG MGA BALITA!

Lungsod Quezon, 2 Disyembre 2011 – Sobra nang marami ang sakit ng ulo ng bayan nitong nakaraang mga araw. Umiikot ang bali-balita, at wari’y nakakahilo na nga. Ngunit kung susuriin at sasaliksikin ng husto ang mga pangyayari, lahat ay puwedeng maturingan na tama ang ginagawa at sinasabi. Ganyan daw ang demokrasya. Ang paghuhukom ay pag dumating ang halalan. Problema Ba Yan?

BAKIT?

Lungsod Quezon, 1 Disyembre 2011 – Ano ang dahilan at kailangan magkaroon ng ganitong blogspot? Bakit ang piniling pangalan ay “Problema BaYan?” Madali ang kasagutan. Maraming pananaw sa ating lipunan ang hindi nailalathala o naibabahagi sa taong bayan maliban sa pamamagitan ng telebisyon, pahayagan, radio at ngayo’y internet. Ngunit kahit na maraming pamamaraan ng pagpapahiwatig at pagpapaabot, inaakala at ito naman ay ang katotohanan na kulang pa rin naman talaga ang pamamaraan o kung sapat man, iba’t iba ang nagiging dating ng mga ito sa iba’t ibang tao. Dahil dito, kinatha at itinatag ang blogspot na ito upang maging kakaibang pamamaraan ng pagpapahiwatig ng saloobin at kaisipan sa madla. Ang ipapahayag ba ay problema ng bayan? o problema bay an?